Mindanao, Tuklasin Natin: Digmaan ng mga Muslim at mga Kastila, Part 2

Ang kapangyarihan ng mga Kastila sa Pilipinas ay nagwakas noong taong 1898. Sa mahigit na tatlong daang taon na sinubukan ng mga Kastila na sakupin ang mga Muslim, ang Espanya ay bumagsak at napahiya dahil ang mga Muslim sa Mindanao ay nagtagumpay na maipagtanggol ang kanilang lahi at dangal, at higit sa lahat ay ang kanilang relihiyong Islam. Tanging sa hilagang baybayin lamang ng Zamboanga ang makikitang nagkaroon ng maliit na impluwensya ang mga Kastila. Ang salitang Chabacano sa Zamboanga city ay nagtataglay ng maraming wikang Kastila, at naroon din ang Fort Pilar na dating itinatag ng mga Kastila sa yaong panahon. At sa kabila ng pag-aangkin ng Espanya noong panahon ng kanilang “colonial rule” o paghahari sa Pilipinas, at angkinin ang buong kapuluan, ang Mindanao ay ganap na malaya at nakabukod sa Luzon at Visayas, hanggang sa ito ay ilehitimo at iligal na idinugtong ng pamahalaan ng Pilipinas, nitong ika-labing siyam na siglo, sa ilalim ng kapangyarihan ng Estados Unidos at impluwensya nito sa Pilipinas.

Nakuha ng Estados Unidos ang Pilipinas mula sa mga Espanyol noong taong 1898, ngunit walang mahalagang bagay na nangyari hanggang sa taong 1904, sa pagsisikap na maiangat ang kalagayan ng mga katutubong mamamayan ng Moro Province sa ilalim ng kapangyarihan ng Amerika. Ayon sa isang mananaliksik, ang proyektong isama ang tradisyunal na batas ng Muslim sa sistema ng pamahalaan ay madaling naglaho, dahil sa kawalan ng galang ng mga Amerikano sa mga batas na ito at alituntunin.

Nagtapos din ang pagsisikap na ito ng Estados Unidos na itatag ang kanilang kapangyarihan sa Mindanao sa taong 1012. Noong taong 1914, muling sinubukan ng Estados Unidos na itatag ang bagong Departamento ng Mindanao at Sulu, bilang lokal na administrasyon para sa timog na isla ng Mindanao. Ngunit ito ay nabuwag din noong taong 1920.

Sa unang dekada pa lamang ng pagtakbo ng pamahalaan ng Republika ng Pilipinas, ang mga lalawigan ng mga Muslim sa Mindanao ay naging kapantay na ng anumang lalawigan sa Pilipinas. Nagkaroon din ng maraming paglabag ang pamahalaan laban sa mga tradisyunal na karapatan ng mga mamamayang Muslim at sa mga grupo ng mga minoridad na mga tribo sa Mindanao, lalo na sa kanilang mga yamang lupa, kung saan ang mga kalupaan sa Mindanao ay binuksan para sa mga dayuhang Kristyano na mula sa Visayas at  Luzon.

Dahil sa kakaunting bilang ng mga katutubo sa Mindanao, ang hindi mapigilang migrasyon ng mga dayuhan na mula sa iba’t-ibang rehiyun ng Luzon at Visayas, ay nagdulot ng kaguluhan sapagitan ng mga ito at ng mga Muslim at katutubo. At sa kabila ng malakas na pagtutol at paglaban ng mga tunay na residente at may-ari ng mga kalupaan sa Mindanao, patuloy naman ang pag-rehistro ng mga dayuhang Kristyano sa mga kalupaang kanilang natagpuan at inilagay ang mga ito sa kanilang pag-aangkin.

Dahil dito ay naramdaman ng mga katutubong tribo at mga Muslim, ang pait na dulot ng pagkakawala ng kanilang mga kalupaan, habang ang mga dayuhang Kristyano ay komportableng naniniwala na sila at ang kanilang mga supling ang lehitimong nagmamay-ari ng mga kalupaan. Ito ang ugat ng di-matapus-tapos na labanan na nagdulot ng mapait na digmaan at walang katapusang poot sa pagitan ng mga Muslims at Kristyano. Karamihan din sa mga Muslim ay naniniwala na ang batas ng pamahalaang Kristyano sa Pilipinas ay hindi angkop sa kanilang paniniwala at tradisyon, dahilan upang ang ilan ay magtatag ng organisasyon upang ipagtanggol ang kanilang mamamayan, bayan at higit sa lahat ay ang kanilang relihiyun.

 

About Ullessis Abaya

Assistant Da'iyah for Islam Presentation Committee (IPC Kuwait) since 2004, Teacher of Comparative Study on Religion and Editor of Pag-usapan Po Natin! Filipino Magazine (Kuwait)
This entry was posted in MINDANAO: TUKLASIN NATIN. Bookmark the permalink.

Leave a Reply