Mga Likas na Yaman ng Mindanao

Ni Ust. Abubaidah Salud Satol, Translator/News Editor, Ministry of Information, Kuwait 

Ang Mindanao ay mayaman sa mga yamang mineral na tulad ng bakal, nikelado, tanso, pilak, ginto, karbon at apog.

Dito rin ang isa sa pinakamahalagang pinagkukunan ng yamang agrikultura tulad ng iba’t-ibang bungang kahoy na tulad ng mangga, durian, lanzones, rambutan, makopa, santol, avocado, gayundin ang mga pananim na tulad ng pinya, saging, mais, kape, kopra, kakao, abaka at maging ang palay.

Ang mga karagatang nakapalibot sa Mindanao ay mayaman naman sa iba’t-ibang uri ng isda, kabibi at mga koral. Ang pinakatanyag na isdang Tuna at Salmon na ginagawang sardinas ay sa Mindanao din matatagpuan.

At bukod sa mga isdang dagat ay mayaman din ang Mindanao sa iba’t-ibang uri ng isdang tabang na tulad ng Bangus, Tilapya, Dalag, Hito, at iba pa…

 Ang Tropikal na Kaagubatan

Ang mga kagubatan sa tropiko ay mayaman sa iba’t-ibang uri ng mga tanim, halaman at hayop. Napag-alaman na mahigit sa kalahati ng lahat ng uri ng mga halaman at hayop ay matatagpuan sa kagubatan ng tropiko.

 Ang palagiang mataas na temperatura at ang patuloy na mataas na halumigmig o “humidity” sa tropiko ay naging dahilan upang mabuhay ang iba’t-ibang uri ng hayop at halaman sa kagubatan. Ayon sa saliksik, ang temperatura sa karamihan sa mga tropikong kagubatan ay magmula sa 25 degrees Celsius hanggang 35 degrees Celsius. 

Gayunpaman, may mga banta rin sa buhay ng mga kagubatan, kung saan tanging dalawampong porsyento lamang ang likas na orihinal na tropikong kagubatan ang natitira sa kabuuan, hanggang sa kasalukuyan.

Ang pangunahing kadahilanan ay ang malawak na pamumutol ng kahoy, ng mga commercial logging companies at pagputol ng mga kahoy sa kagubatan (kaingin) ng mga lokal na mamamayan, upang makabuo ng sapat na lupa para sa mga gawaing pang-agrikultura.

Sa taong 2001, wala pang walong por syento ang natitirang tropikong kagubatan sa buong bansa, kung saan wala pang isang daang taon ang nakalipas ay may pitumpong por syento pa ang natitira sa buong bansa. At kapag hindi mapigilan ang ganitong mga gawain ay wala nang matitirang tropikong kagubatan sa bansa sa loob ng susunod na labing limang taon.

Kapag nawala ang malalaking kahoy sa tropikal na kagubatan, mahigit tatlong libo at limang daang uri ng mga tanim at hayop din ang nawawala at patuloy na maglalaho, lalo na’t ang ilan sa mga ito ay sa Mindanao lamang matatagpuan.

 At bukod sa mawawalang kabuhayan sa kagubatan, malaki ang tsansa sa banta ng pagbaha at pagguho ng mga lupa sa kapatagan at sa mababang mga lugar.

About Ullessis Abaya

Da'iyah, Islam Presentation Committee, Kuwait Teacher, Comparative Study on Religion Editor, Pag-usapan Po Natin!
This entry was posted in MINDANAO: TUKLASIN NATIN. Bookmark the permalink.