Magtulungan Tayo, Magkaisa

Taong grasa, pulubi, mga batang kalye, nakasalubong mo na ba sila sa daan? Mag-anak na natutulog sa karton, mga batang naghahalungkat sa bundok ng basura, mga taong nakatira sa gilid ng sea wall. Natitiyak ko na nakita mo na sila, maaaring personal o sa napapanood mo sa telebisyon. Ano ang nararamdaman mo kapag nakakakita ka ng tulad nila? Sa palagay mo, ang kanila bang dignidad bilang tao ay nababawasan dahil sa kanilang kalagayan?

Subukan mo naman na magmasid sa ibang bahagi ng ating lipunan. Pumunta ka sa Dasmarinas Village sa Makati, sa Ayala Alabang sa Muntinlupa o di kaya ay sa Corinthian Gardens sa Ortigas, naglalakihan at mga malapalasyong tahanan, iba’t-ibang modelo ng sasakyan, saganang kainan at salaping halos wala ng paglagyan. Ano naman ang damdaming naghahari sa iyo kapag nakakakita ka ng ganito? Tila hindi makatarungan ang buhay ano? Kulang na kulang ang marami, labis-labis naman ang iilan. Kung ikaw ang nasa kalagayan ng huli, ano kaya ang maaari mong gawin upang matulungang itaas ang kalagayan ng mga taong kapus-palad?

“May sakit ang mundo. Ang sakit na ito ay sanhi ng hindi produktibong monopoly ng yaman ng iilan at nag kawalan ng pagkakapatiran ng mga indibidwal at mamamayan.” Ito ang sabi ni Papa Pablo VI. Binibigyang puna niya ang katotohanang kulang tayo sa pagsasabuhay ng pagkakaisa at pagtutulungan upang maitaguyod ang kabutihang panlahat. Ang pahayag na ito ay nauugnay sa pagsasabuhay ng solidarity at subsidiarity na unang binanggit ni Papa Pius XI. “Ang lipunan ay uunlad lamang kung kikilalanin ng mamamayan na ang mga institusyon at samahang panlipunan ay may iba’t-ibang Gawain. Hindi nararapat pakialaman ng isang nakatataas na institusyon o organisasyon ang maliit niyang nasasakupan maliban na lamang kung kakailanganin ang kanyang tulong at koordinasyon upang higit na maging epektibo ang pagbibigay serbisyo nito sa mamamayan na magiging daan sa pagkakamit ng kabutihang panlahat.”

Isinilang ang bawat tao ng may taglay na dignidad. Nag-uugat ito sa katotohanang siya ay isinilang na natatangi at itinalaga sa paggawa ng mabuti. May angkin siyang talino at malayang loob (will). Ang pagkakamit ng kanyang kaganapan bilang natatanging nilikha ay mahalagang isaalang-alang. Walang isinilang na perpekto. Lahat tayo’y may kakulangan at mga pangangailangang maari lamang nating matugunan sa pamamagitan ng ating kapwa. Dahil dito, napakahalang magtulungan ang bawat isa tungo sa pagkakamit ng ating kaganapan bilang tao. Dito papasok ang prinsipyo ng solidarity at subsidiarity. Ayon pa ni Fr. Joseph M. de Torre, ang prinsipyo ng solidarity ay nagbibigay diin sa kabutihang panlahat, tungkulin, kooperasyon, at pagkakapantay-pantay. Ito ang mag-aakay sa estado upang itaguyod ang kabutihang panlahat kahit na kung minsan ay maisakripisyo ang kapakinabangan ng ilang indibidwal. Ang prinsipyo ng subsidiarity ay nagbibigay diin sa katauhan ng isang indibidwal, karapatan, privacy, at kalayaan. Ito ang mag-aakay sa estado na igalang at pangalagaan ang mga likas na karapatan ng bawat indibidwal at ng pamilya na naaayon sa kabutihang panlahat. Dagdag pa niya, mahalagang panatilihin ang balanse ng dalawang ito upang higit na mabigyang pansin ang pagkakamit ng kabutihang panlahat at pagkilala sa dignidad ng tao. (Project EASE, bse.portal.ph)

About Ullessis Abaya

Da'iyah, Islam Presentation Committee, Kuwait Teacher, Comparative Study on Religion Editor, Pag-usapan Po Natin!
This entry was posted in FEATURED. Bookmark the permalink.

Leave a Reply