Anong Meron sa Buwan ng Hulyo

ARAW NG DABAW ang Hulyo 1, at ito ay regular na pampublikong holiday para sa Davao del Norte, Davao del Sur at Davao Oriental. Ito ang araw kung saan pinaparangalan ang ala-ala sa paglikha ng tatlong probinsya ng Davao mula sa noon ay Davao Province, ngayon ay Davao Region.

Ang Hulyo 2 ay Pasig Foundation Day,o  ARAW NG PASIG, isang special non-working public holiday sa buong Pasig City.

Noong Hulyo 3, 1571, nangyari ang LABANAN SA BANGKUSAY, sa pagitan ng mga Pilipinong taga-hilagang bahagi ng Ilog Pasig, na pinangungunahan ni Martin De Goiti. Nasunog ang kalakhang Maynila. Dahil sa labanan ay marami sa mga tauhan ni Soliman ang namatay. Nakatakas si Soliman sa labanan at sa kanyang pagsuko, siya ay bininyagan at pinangalanang Agustin de Legaspi. Muli siyang sumama sa pag-aaklas noong 1587 at 1588. Siya ay muling nahuli at hinatulan ng kamatayan.

Ang LA LIGA FILIPINA ay itinatag ni Jose Rizal noong Hulyo 3, 1892 sa Tondo, Manila. Pinaniniwalaang huling pag-asa ang propaganda. Ang mga opisyal ay sina Ambrocio Salvador (president), Agustin Dela Rosa (piskal), Bonifacio Arevalo (pananalapi), at Deodato Arellano (kalihim). Natigil ang samahan nang arestuhin si Rizal at ipatapon sa Dapitan. Hinirang na kalihim si Apolinario Mabini, ngunit pinili niyang ituon ang kanyang panahon sa “La Solidaridad.”

Noong Hulyo 7, 1892 itinatag ang KATIPUNAN. Ito ay pinangunahan nina Andres Bonifacio, Valentin Diaz, Teodoro Plata, Ladislao Diwa at Deodato Arellano. Ang samahang ito ang nagsimula ng rebolusyon pagkalipas ng apat na taon.

Pinagdiriwang ng mga Muslim ang Laylat Al-Isra ‘Wal Miraj (Gabi ng Paglalakbay at ang Pag-akyat sa Langit). Ang kaganapang ito ay ang paggunita sa gabi ng paglalakbay ni Propeta Muhammad (saw) mula sa Mecca papuntang Jerusalem at sa kanyang pag-akyat sa langit. Ito ay ipinagdiriwang sa ika-27 ng Rajab, ang ikapitong buwan sa Islamic calendar, at sa taong ito at tumapat sa ika-9 ng Hulyo, Biyernes sa Gregorian calendar. 

Ang WORLD POPULATION DAY ay ipinagdiriwang taun-taon sa buong mundo tuwing ika-11 ng Hulyo upang pahalagahan ang pagpaplano ng pamilya sa buhay ng mga kababaihan at ng komunidad. Binibigyang kahalagahan ng naturang pagdiriwang ang mga kasapi ng pamilya, lalo na ang kababaihan. Isa sa patuloy na kinakampanya ng pagdiriwang ay ang pagpapababa sa kaso ng mga namamatay na kababaihan matapos magsilang. Nais din nito na balansehin ang populasyon at ang likas na yaman upang mapabuti ang kalusugan at kagalingan ng lahat ng tao sa mundo. Dagdag pa rito, hinihikayat din ang lahat ng mag-asawa na magplano sa ikauunlad ng pamilya at ng kanilang magiging mga anak. Ayon sa United States Census Bureau, ang populasyon ng mundo hanggang Mayo ng taong 2009 ay umaabot na sa 6.79 bilyon. Ang populasyon ng mundo ay patuloy na lumalaki simula noong 1400 nang tamaan ang mundo ng salot na tinawag na Black Death. May ilan ding natalang pagbaba ng populasyon ng mundo, katulad noong 1700 kung kailan may dumating din na salot. Ang pinakamabilis na pagtaas ng populasyon ay naitala noong 1950 hanggang 1970s. Ayon sa tantiya ng mga dalubhasa, ang populasyon ng mundo ay patuloy na lalaki hanggang 2050. Ang dami ng ipinapanganak mula 2000 ay umaabot sa 137 milyon kada taon, ilang milyon na mababa kaysa noong 1990-1999 kung kailan nasa 163 milyon ang ipinapanganak kada taon. Gayunpaman, 56 milyon lamang ang namamatay. Dahil dito patuloy na lalaki pa ang populasyon ng mundo, at ito ay tinatayang aabot ng 9 bilyon sa taong 2040.

Ang NATIONAL CHILDREN’S BOOK DAY (NCBD) ay ang taunang pagdiriwang na ginaganap kada ikatlong linggo ng Martes ng Hulyo bilang paggunita sa kathang pambata ni Jose Rizal na nailimbag noong Hulyo ng taong 1889 sa Trubner’s Oriental Record sa London, Inglatera na pinamagatang “Ang Unggoy at ang Pagong” (The Monkey and the Turtle). Bago naging isang pambansang pagdiriwang, ito ay isang proyekto lamang ng Philippine Board on Books for Young People (PBBY). Ito ay unang ginanap noong 1984 na may temang “Book and Sharing” kung saan nakasentro ang programa sa pangangalaga ng kaisipang pambata. Itinataguyod ng NCBD ang paglago ng literaturang pambata at iminumulat sa mga bata ang kabutihan at kasiyahan na maidudulot ng pagbabasa habang bata pa lamang. Sinusubukan nitong itanim sa kaisipan ng mga bata na ang mga libro ay parang kaibigan na siyang tutulong sa kanila sa pag-abot ng kanilang mga pangarap. Bahagi ng paggunita ang pagbibigay parangal sa mga taong naging instrumento ng layunin ng PBBY. Ilan sa mga parangal ay ang PBBY Lifetime Achievement Award, PBBY Salanga Prize, at PBBY Alcala Prize.

ARAW NI APOLINARIO MABINI, ang Hulyo 23. Special working holiday sa Tanauan, Batangas.

Ang BUWAN NG NUTRISYON ay ginaganap tuwing buwan ng Hulyo taon-taon upang bigyang atensiyon ng publiko ang kanilang nutrisyon na may gabay sa tema. Ang pagdiriwang ng buwan ng Nutrisyon ay inatas noong Hunyo 25, 1974 sa ilalim ng Seksiyon 7 ng Presidential Decree No. 491 o siyang mas kilala bilang Nutrition Act of the Philippines. Ayon sa batas na ito, ang buwan ng Hulyo ay itinalagang Buwan ng Nutrisyon nang sa gayun ay mabigyan ng kamalayan ang bawat Pilipino sa kahalagahan ng nutrisyon.

Ang Hulyo 27 ay ARAW NG IGLESIA NI CRISTO. Sa pagsunod sa Republic Act No 9645, isinasabatas noong Hunyo 12, 2009, at itinalaga bilang isang special national working holiday simula noong 2009 sa pagkilala ng founding anniversary ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Pilipinas.

About Ullessis Abaya

Assistant Da'iyah for Islam Presentation Committee (IPC Kuwait) since 2004, Teacher of Comparative Study on Religion and Editor of Pag-usapan Po Natin! Filipino Magazine (Kuwait)
This entry was posted in FEATURED and tagged . Bookmark the permalink.

Leave a Reply