Ang Pagtanggap Ng Regalong Inihanda Para sa Christmas O Sa Iba Pang kaarawan Ng Hindi Mga Muslim

Tanong: Ano po ba ang pananaw nyo sa mga handa na gaya ng Christmas o ano pamang okasyon na hindi ipinag-diriwang ng mga Muslim, ito po ba ay pwedi nating kainin?

Sagot: Bismillah, Alhamdulillahi Wassalatu Wassalamu Ala Rasulillah Waala Alihi Wasahbhi Waba’d. Una, napagkasunduan ng mga pantas sa Islam na ang paggunita sa neros at pista ng hindi mga Muslim o sa mga kaarawan nilang naiuugnay sa kanilang pananampalataya at ang pagtulong sa paggunita ng mga ito, kahit pa ang pagbati o pagsagot sa kanilang pagbati ay hindi ipinahihintulot sa Islam sapagkat malinaw ang mag patunay sa Banal na Qur’an at sa mga Hadith ni Propeta Mohammad ( Sumakanya ang Kapayapaan).

Tungkol sa pagkain at inumin o regalong kanilang ipagkakaloob sa atin na mga Muslim, ang orihinal ng mga ito ay walang kasamaan ayon din sa mga napag-kasunduan ng mga pantas kung walang ugnayan sa kanilang neros at pista o kaarawang hindi ipinahintulot sa atin at kung ang mga ito rin ay hindi dati nang ipinagbawal sa atin na kainin o inumin, sapagkat malinaw din sa Banal na Qur’an at ginawa ni  Propeta Mohammad (Sumakanya ang Kapayapaan). At wala tayong nakikita na kasamaan na kumain ng pagkain nila kasama sila at kumain ng natira nila o pagkatapos ng sila ay kumain. Subalit kung ang mga ito ay may ugnayan sa kanilang neros o pista o kaarawang hindi ipinahintulot sa atin ay wala ring kasamaan ayon sa mga nag-uusisa sa batas sa may mga kondisyon.

Kung ang mga pagkain at inuming ito ay hindi dati nang ipinagbawal sa atin katulad ng baboy o alak, o ang regalong ipinagkakaloob nila ay hindi sangkap ng kanilang neros at pista o kaarawan katulad ng kandila at iba pa.

Kung ang hayop ay hindi nila kinatay  alang-alang sa kanilang neros at pista o kaarawan. At walang kasamaan na tanggapin o kainin ang bunga na ipagkaloob nila sa atin kahit sino pa man sila o kahit ano pamang okasyon ang sa kanila. Kung ang pagtanggap sa mga ito ay hindi para tulong sa kanilang paggunita o kaya panggagaya sa kanila. Kung ang layunin sa pagtanggap ng mga ito ay para lamang hindi sila masuklam sa atin at para din maipakita sa kanila ang kainaman ng Islam. At kung ang pagtanggap ng mga ito ay hindi makaka-apekto sa ating pananampalataya at lalo sa ating mga anak.

Ang Allah lamang ang higit na nakakaalam.

 

Posted in TANONG AT SAGOT | Comments Off

PAANO AANGAT ANG PAMUMUHAY NG ISANG OFW?

Paano nga ba aangat ang antas ng ating pamumuhay? OFW ka man o isang pangkaraniwang mangga-gawa ka lamang ng isang kompanya sa pilipinas. Kadalasang sinasabi natin o ginagawa nating dahilan ay ang mataas na bilihin sa pilipinas kaya hindi sumapat ang kinikita ng isang ofw. Alam na nating lahat na ang isang dahilan ng pag angat ng ating pamumuhay ay ang magkaroon ng mataas na kinikita. Pero minsan… Hindi rin nagagawa ng isang tao na paangatin niya ang kanyang pamumuhay kahit nasa kanya na ang may mataas na sahod. Bakit?

Kung ikaw ay ang taong nakasarado lang ang isip sa iisang bagay walang mangyayari talaga sa buhay mo. Kung ikaw ang taong may mababaw na pananaw sa buhay lalong walang mangyayari sa buhay mo. Kung ikaw ang taong walang pinapangarap sa buhay kundi ang makamit mo ang mga materyal na bagay, lalong walang mayayari sa buhay mo. Kung ikaw naman ay saksakan ng daming bisyo, kaibigan at kabarkada… mas lalong walang mangyayari sa buhay mo. Kung ikaw ang taong punong-puno ng luho sa katawan at sa isipan wala ding mangyayari sa buhay mo. Kung ikaw ang taong hindi alam kung ano ang dapat na pinapangarap wala ding patutunguhan ang pamumuhay mo.
Kung ikaw ang taong hindi marunong mag plano sa buhay wala ding mangyayari sa buhay mo. Kung ikaw ang taong mainitin ang ulo at masyado mong pinapahalagahan ang iyong ego wala ding manyayari sa buhay mo.
At…. Kung ikaw ang taong walang kontrol o hindi kayang kontrolin ang sarili kaylan man hindi mo makakamit ang may maayos na pamumuhay.

Napakaraming dahilan kung paano nga ba aasenso ang ating pamumuhay at kung bakit hindi umaangat ang ating buhay gayong meron naman tayong hanapbuhay. Minsan may mga taong nasa kanila na ang lahat ng pagkakataong umangat ang kanilang pamumuhay pero hindi parin makaalis sa simula. Marami ring dahilan kung bakit hawak na natin ang magandang pagkakataon para makamit ang pinapangarap pero bakit hanggang ngayon nangangarap ka parin at may mga taong sadyang pinapahalagahan lang ang mga materyal na bagay at binibigyang halaga ang mga luho sa katawan.

Para sa akin ang isa pang dahilan ay ang atin mismong… ISIPAN, UGALI AT KONTROL SA SARILI. Paano mo iaangat ang pamumuhay mo kung hindi mo pagaganahin ang iyong isipan. Ang ating isip ang pinakamahalagang instrumento ng ating pagkatao at pamumuhay. Kung ikaw ang taong hindi marunong magisip kung ano nga ba ang dapat at hindi dapat. Kung ano ang mali at tama, at kung ano nga ba ang mabuting gawin.

Nais kong ibahagi sa inyo ang aking sarili upang mas mabibigyan ko ng tamang paliwanag kung paano ba ako MAG ISIP, kung anong PAGKATAO meron ako at anong UGALI meron ako na ginagawa kong kasangkapan upang makamit ko ang maayos na pamumuhay.

Ang isang tao kahit anong liit o laki ng kanyang sinasahod kaya nating i-angat ang ating pamumuhay sa pamamagitan ng ating pag-iisip at pag uugali. Noon marami akong kaibigan, kabarkada, kakilala. Marami rin akong pinapangarap na mga materyal na bagay tulad ng mga IPOD, RELO at kung ano-ano pa na maari mong maipagyabang sa mga kakilala mo na meron ka ng mga mamahaling bagay sa katawan ang lahat ng iyan ay kaya ko ng kunin pero iniisip ko ”makakatulong kaya ang mga ito sa aking pamumuhay?” Sa dami ng mga nag gagandahang mga materyal na bagay ilang sentimo na ang mauubos kung bibilhin ko ang lahat ng palamuti sa katawan. Mga bagay na bahagi lang ng mga pansamantalang kaligayahan na madali ring kumupas. Iniisip ko.. kung uunahin kong kunin ang mga iyan paano kung bigla ka namang matangal sa trabaho sa marami ring dahilan? Sa simula ng aking pagtatrabaho dito sa kinalalagyan ko ngayon inuna kong gawin ang mga bagay na makakatulong sa aking pamumuhay. Ang lahat ng mga bagay na nagawa ko na nuong mga nakalipas na araw hindi ko na muling ginagawa pa sa ngayon dahil nagawa ko na at natikman ko ng lahat. Tulad ng bisyo, alak, sugal, pasyal dito, pasyal doon, inom dito inom doon, tambay kung saan-saan, pasama-sama lagi sa mga happenings at mga lakaran ng barkada at mga kaibigan, yan ang mga bagay na uubos ng iyong lakas at pinagpagurang sentimo na kung hindi mo iisiping mabuti mawawaldas lang sa wala ang iyong kinita at panahon. Mga panahon na dapat ay palapit ka na sa iyong mga pangarap na magandang buhay ngunit ikaw mismo sa sarili mo ang nagtutulak lumayo sa pinapangarap mong magandang pamumuhay. Kung patuloy kong gagawin ang mga bagay na iyan mas malaki ang makokonsomo kong sentimo, pinilit kong iniwasan ang lahat ng nakagawian ko lumiit ang naging budget ko sa loob ng isang buwan doon ko napagtanto na ang laki pala ang nawawala sa kinikita ko. naisip ko… WALA AKONG KONTROL SA PAG WALDAS NG KAYAMANAN KO NOON.

Sa panahon ng aking pagtatrabaho… Napakarami na ng sama ng loob ang kinain kong lahat, napakaraming kahihiyan ang nilunok kong lahat at napakaraming galit ang pinalampas kong lahat. Isa din iyan sa makakatulong sa iyong minimithing may maayos na pamumuhay. Sa panahon ng aking pagtatrabaho, may mga araw na sumasama ang loob ko sa mga taong nakakasama ko sa aking pagtatrabaho, sa kompanya, sa foreman at kung sino-sino pa. Kung paiiralin ko ang aking ego o ang aking galit o ugaling pagiging bugnutin ko at pagiging matampuhin ko ako rin ang mawawalan. Minsan pinagalitan ako ng foreman ko, sa sobrang sama ng loob ko gusto kong mag under time, binalak kong hindi pumasok kinabukasan at binalak kong hindi mag overtime ng sabado at lingo para maipadama ko rin sa kanila ang galit ko. Pero… inisip ko, sino ba ang mawawalan? ako din, ako rin ang mape-perwisyo dahil hindi ako nakapasok. Ipinasya ko nalang lunukin ang mga sama ng loob ko, inalis ko sa katawan ang ego o pride ko, pinasya ko nalang kalimutan ang nangyari at pumasok nalang ako sa aking trabaho. Lumipas ang ilang araw natuwa narin ako dahil inisip ko buti pumasok ako.. ako rin ang makikinabang sa ginawa ko. Laging sumasagi sa isipan ko na… kahit napapagod ako sa pagtatrabaho.. ako rin naman ang makikinabang sa pagod ko at sa araw-araw na pagtatrabaho ko NATUTUNAN KONG KONTROLIN ANG SARILI KONG GALIT NA NARARAMDAMAN KO. Kung minsan ang pagiging mataas ang pride ang sisira sa buhay mo na magiging dahilan ng pagkatangal mo sa iyong pinapasukan, walang masama kung mananahimik ka nalang at ituon mo ang iyong isipan sa mga pinapangarap mo sa buhay, huwag mong ituon ang iyong isipan sa galit na nararamdaman dahil lalamunin ka ng sarili mong galit na magdadala sa iyo minsan sa kalungkutan. Iniisip ko hindi ako ang dapat magmalaki sa kompanya ano man ang kagalingan at kasipagan ko sa pagtatrabaho kung ang kompanya ang magalit at tangalin ka lalo mong nilugmok ang sarili mo at ang iyong pamilya sa nakaambang kahirapan. Nang dahil sa kakitiran ng isipan mo lalo mong inilayo ang buhay mo at kaligayahan ng sarili mong pamilya sa tiyak na kaginhawaan. Isipin mo isang tao ka lang sa libo-libong mangga-gawa na maari nilang kunin.

BINIGYAN TAYO NG PANGINOON NG ISIP UPANG GAMITIN NATIN NG WASTO SA ATING PANG ARAW-ARAW NA PAMUMUHAY. BINIGYAN TAYO NG LAYANG MAG-ISIP UPANG MALAMAN NATIN KUNG ANO ANG DAPAT GAWIN SA ATING PAGKATAO AT PAMUMUHAY.

NASA IYONG SARILI ANG IKAGAGANDA AT IKASASAMA NG IYONG PAMUMUHAY… HINDI SA TAAS O SA LIIT NG KINIKITA. IKAW MISMO ANG MAGDADALA SA IYO SA MAGANDANG PAMUMUHAY AT IKAW DIN MISMO ANG MAGDADALA SA TANIKALA NG KAHIRAPAN.

PAGANAHIN MO LANG ANG ISIPAN MO MABABAGO MO ANG UGALI MO AT MAKOKONTROL MO ANG SARILI MO

YAN ANG KAILANGAN MO UPANG MAKAMIT MO ANG MAY MAAYOS NA PAMUMUHAY AT MAILAYO KA SA NARARANASANG KAHIRAPAN. (jettroshangout.blogspot.com)

Posted in FEATURED | Comments Off

Hindi Porket Nasa Abroad Ako Mayaman Na

Noong bata pa ako lagi kong inaabangan ang pagdating tuwing December ng mga lolo at lola ko galing Hong Kong. Lahat kaming magkakapatid at magpipinsan ay inaabangan ang araw ng paglanding ang eroplano. Binibilang bawa’t tulog na natitira bago namin sila salubungin sa NAIA. Nagpapatayan kaming mga bata kung sino ang sasama sa pagsundo sa erport. Nagulgol at paglulupasay ang maririnig at makikita mo sa hindi makakasama!

Kapag nakalapag na sina granma and granpa ay konting yakapan, konting kumustahan, at konting chikahan. Pagkatapos ng konting drama ay inuusisa na namin ang mga dala nilang balikbayan boxes. Sana marami. Sana malalaki. Nasan kaya ‘yung box para sa matatanda? ‘Yung para sa mga bata?

GUILTY AKO. Mas importante sa aming mga bata ang mga pasalubong kaysa sa pagdating ng mga matatanda na gusto kaming makasama na magdiwang ng Kapaskuhan.

‘Nay (tawag namin sa lola ko), nakabili ba kayo ng Gameboy namin?

‘Tay, may mga chocolates ba kayong dala galing Duty Free?

Meron po bang mga Giordano polo shirts na ipinadala sila Tita?

Papunta po ba tayo sa Star City sa pasko?

 

Ang eksena sa bahay…lahat ng kamag-anak at pamilya ay always present kapag nagbabakasyon ang mga lola. Grupo-grupo dahil naka-group din ang mga boxes na dala nila nanay at tatay. Minsan depende sa age bracket. Minsan depende naman sa gender. Minsan depende sa dami ng members ng bawat pamilya. Never na mawawala ang imported na Nescafe at Coffee Creamer, ang original na Maling Luncheon Meat, at ang mga chocolates na Hershey’s Kisses, Crunch, at Toblerone. Hating-kapatid. Walang lamangan. Sa huli ay magtatanong pa ang dalawang matanda kung nakakuha ba lahat ng dalang pasalubong. Kapag walang umiiyak, ibig sabihin ay walang problema at walang nakalimutang bilihan. Masaya ang lahat. Tenkyu then uwian.

Sabi sa akin ni nanay dati, January pa lang ay namimili na siya ng mga ipapasalubong para sa December. Inaabangan niya ang lahat ng sale ng damit tuwing magpapalit ng season para bargain niyang makukuha ito at bultuhan. Kapag Chinese New Year naman ay inaabangan nila ang mga itatapong basura (mga lumang appliances, laruan, at kung anu-ano pa) ng mga Intsik na pinag-aagawan naman ng mga Pinoy. Kinukulekta rin nila ang mga pinaglumaang damit at laruan ng mga pinsan ko para ipamigay naman sa amin sa Pinas. Ang mga bakanteng balikbayan boxes naman ay pupunuin nila sa pamamagitan ng mga kita sa pagtitinda ng ulam sa mga pinoy at mga flight stewardess na gusto ang lutong-atin. Sa pagtitinda rin sila humuhugot ng ipapadala sa mga apo at anak tuwing may birthday, may binyagan, kasalan, at iba pang celebrations. Naisasama pa minsan ang pagtakbo ng mga anak nila tuwing kinakapos sa pambayad ng tuition, ng kuryente, ng tubig, at ng kung anu-anong ‘di matapos-tapos na utang. Isang tawag lang, may padala na.

HINDI KO ALAM KUNG PAANO NILA PINAGHIRAPAN SA ABROAD ANG MGA ITO AT KAILANMAN AY HINDI PUMASOK SA ISIP KO DAHIL ANG PANINIWALA KO AY MARAMI SILANG PERA.

Mali pala. Ngayong nasa abroad na ako ay alam ko na ang katotohanan. Sabi nga nila, hindi mo mararamdaman kung hindi mo nararanasan. (myofwdiaries.blogspot.com)

 

Posted in FEATURED | Comments Off

Sa Kanyang Panahon

Ni AbdulQadir E. Laja

Ito po ang  kuwento ng buhay at mga pangyayari noon, partikular dito sa gitnang silangan, may 1500 humigit-kumulang taon na ang nakalipas. Lumaganap ang kasamaan sa lugar na ito at sa iba pang panig ng mundo.Ang mga tao ay lubos na mapagsuway, napalayo sa patnubay ng Dakilang Maylikha. Ang mga Hudyo naman na dating iginabay ni Moises ay nakalimot din sa tunay na katuruan. Ang pananampalataya na ibinigay sa kanila ay naging pansarili na lamang, hindi na ito nakarating sa ibang nasyon. Ang simpling mensahe ni Hesus, anak ni Maria (sumakanila ang kapayapaan), sa paglipas ng panahon ay nahaluan ng ibang pilosopiya, ang Greyego at Romanong pilosopiya.

 

Sa  Persia, ang mga Magians ay patuloy  sa kanilang nakagisnang relihiyon, na may ugnayan sa pagsamba ng apoy. Sa ibang parte ng Asya, ang mga turo ni Gautama Budha ay lumihis din tungo sa paganismo. Dahil sa labis na pagmamahal sa kanya ng kanyang mga  tagasunod, siya ay ginawan na nila ng altar at rebolto. Sa India naman patuloy ang paglaganap ng Hinduismo na may katuruan na hindi lang nag-iisa ang panginoon, ayon sa kanila may isang libong panginoon at maaring higit pa.

 

Sa Arabian peninsula kung saan malapit lang ito sa Abyssinia, Persia (Sassanid), at Byzantine Empire, ang mga Arabo ay nakalimot din sa tunay na katuruan ng Dakilang Maylikha. Bawat tribo ay may kinikilalang diyos. Ang bahay dalanginan na itinayo ni propeta Ibrahim, ang Ka’aba sa Mekka, ay mayroon  nang 360 na mga imahen at mga rebolto sa loob nito. Sadyang napakababa ang moralidad ng mga tao, maliit na dahilan lamang ay magiging sanhi ng digmaan na tumatagal ng maramig taon. Mas maraming oras ang winawaldas sa pagsussugal at pag-iinom ng alak. Ang suliranin sa lipunan ay lumala, ang mga babae ay itinuturing na walang halaga at ang pagpapalaki nito ay walang saysay. Kapag ang mga Arabo ay magkakaroon ng isang sanggol na babae, kinamumuhian nila ito. Hindi alam ng sanggol kung bakit siya ay tatabunan na lamang ng buhangin, at ililibing ng buhay. Dito sa panahon na ito ipinanganak si Propeta Muhammad (sumakanya ang kapayapaan). Siya ay pinili ng Diyos upang igabay muli ang sangkatauhan. Sa loob lamang ng dalawang dekada, nabago ng Islam ang dating bulok na lipunan ng mga paganong Arabo. Hanggang ang pananampalatayang Islam (ang pagsuko ng buong sarili sa Diyos), na ibinigay ng Diyos bilang habag sa mga tao, ay nakarating sa ibang panig ng mundo. Ito ay nakarating sa Tsina, sa mga pulo ng Indonesia, Malaysia, Thailand, at Pilipinas, hindi sa pamagitan ng espada, ngunit dahil sa linaw, tatag, at makatotohanang mensahe nito.

Posted in Correspondents Laja | Comments Off

Gaano nga ba kasarap ang buhay ng isang OFW?

Sabi ng karamihan masarap maging OFW dahil kikita ka ng malaki maging ito man ay dolyar, riyal, pounds, yen, etc etc. Sabi nga ng iba “Tara mag-abroad tayo para kumita ng malaki, tingnan mo ung kapitbahay natin laging may bagong kasangkapan sa bahay at nakabili pa ng malaking bahay sa subdivision”. Pero ‘di alintana ng karamihan ang hirap na dinaranas ng mga pilipinong nangingibang bayan mabigyan lamang ng magandang buhay and kanilang mga mahal sa buhay. Alam ba ng iba ang mga pasakit na dinaranas ng bawat OFW? Andiyan ung magpaalipin ka sa iba para lamang kumita ng malaki at gawin ang mga bagay na hindi nila nakasanayang gawin sa ‘pinas kapalit ng kakarampot na halaga makapagpadala lamang ng pera. Madalas ay mauupo ka na lang sa isang tabi at tutulo ang mga luha sa iyong mga mata sa kadahilanang naaalala mo ang iyong mga mahal sa buhay. Mas iisipin mo pa na sana’y lagi silang nasa maayos na kalagayan at nawa’y hindi kinukulang sa mga pinapadala mo kahit na minsan ay hindi mo na naiisip ang sarili mong kalagayan. Halos tipirin mo na ang iyong pagkain para lamang makaipon, magsiksikan sa tinutuluyang bahay para lumiit ang binabayaran, maglakad patungo sa lugar na pupuntahan dahil saying ang pamasahe, pagtiyagaan ang mga sirang gamit para lamang hindi gumastos… yan ang ilan sa mga kabayanihang ginagawa ng mga kababayan nating nasa ibang bansa.

Pero sa likod ng mga kahirapan na dinaranas ng mga kababayan natin sa ibang bansa ay nandun pa rin ang mga ngiti sa kanilang mga labi. Lalo na sa tuwing nakikita nila na maayos ang buhay ng mga mahal nila sa buhay na nasa Pilipinas. Ang kanilang pamilya ang nagsisilbing lakas nila upang mapagtagumpayan ang bawat hirap na dinaranas sa malayong lugar.

Pagmamahal ang isa sa pinakadakilang dahilan kung bakit nagsasakripisyo ang karamihan na umalis sa sariling bayan at maghanapbuhay sa ibang bansa. Ito rin ang dahilan kung bakit kilalang kilala ang mga Pilipino sa buong mundo.

Yan ang buhay ng OFW, pilipinong binansagang “Bagong Bayani”.

(Author: Man Arcilla, definitelyfilipino.com/blog)

 

Posted in FEATURED | Comments Off

Ang Buhay ng isang OFW

Napakahirap ang buhay ng isang OFW lalo na sa Middle East nandyan yong iba naloloko ka ng kanilang employer kasi di naman lahat maganda ang nagiging buhay ng isang OFW sa ibang bansa. Sa una yon ang pinakamahirap kasi Homesick ang kalaban mo dito… you have to adjust yourself at makisama sa ibat-ibang klase ng tao kailangan mo din ang malawak na pang-unawa. Wag kang masyadong magtitiwala sa mga kasama mo kilalanin mo muna kung mapagkakatiwalaan mo ba sila kasi may mga taong selfish.

Pagdating sa trabaho dapat dedicated ka sa work. mag-ingat din sa mga taong sipsip. May mga tao din na imbes tulungan ka lalo ka nilang hihilain pababa. Maging mapagpasensya, kasi may mga boss na minsan di mo maintendihan ang utak sisigawan ka kahit wala kang ginawang kasalanan o mali sa trabaho mo.. Ako iba’t-ibang uri at klase ng tao ang nakatrabaho ko merong Koreans, British, French, Qatari at Indians lahat naman sila mababait lalo na yong British at French para mo lang silang mga barkada. Yong Koreans naman naku palasigaw pero marunong magsorry pag alam nilang mali sila. Yong Indians naku di mo mapagkakatiwalaan yan parang pinoy ang mga ugali mga back fighter karamihan. Yong Qatari naman mismo yong CEO/President ng company namin ang nakatrabaho ko ang masasabi ko lang walang alam pagdating sa business kilala lang nya ay MONEY. Minsan inuutusan akong pumunta sa isang business conference kahit di ko scoop di ko nga sinusunod pinagtataguan ko mabuti nalang makakalimutin hahahaa…

Pero wag nating kakalimutan kung bakit tayo ay nasa ibang bansa syempre para sa pamilya natin para sa kanilang kinabukasan. Minsan, madalas nakakagawa tayo ng mga pagkakamali parang nakakalimutan na natin ang mga pinangarap natin sa buhay, yong mga pinangako nating gawin tapos kadalasan pa nasasaktan mo pa kung sino ang taong mahal mo. Pero kailan man tayong mga pilipino hindi natin nakalimutan kung bakit tayo nasa ibang bansa. Nandito tayo para sa mga mahal natin sa buhay. Kahit gaano kahirap ang buhay dito, kahit gaano kalungkot titiisin natin yon para lang mapaligaya natin ang mga mahal sa buhay. Sa bawat patak ng pawis natin, ng luha natin alam nyo ang kapalit lang non yon lang simpling ngiti na galing sa kanila. (By Bogs of Qatar, jobscorner.ph/article)

 

Posted in FEATURED | Comments Off

Abroad at ang Pagbabago sa buhay ng Tao

Ano nga ba ang salitang ABROAD? Diba yan ang salita kapag nagtatrabaho tayo sa labas ng ating bansa; nagtatrabaho sa abroad? Bakit Parang malaki ang nagiging epekto sa buhay ng tao kapag nakakapag abroad na? Ano ba meron sa abroad? Maraming bagay ang meron sa abroad, katulad nalang ng dollars, riyals, dinars, or yen earning ka na. Ang pagtatrabaho natin sa abroad ay nagbibigay ng malaking pagbabago sa ating buhay, at nagbibigay din ng magandang buhay at kinabukasan sa ating mga minamahal.
Ngunit bakit nga ba maraming tao ang nagbago kapag nakakapag abroad na? Katulad nalang halimbawa nung nasa Pilipinas pa siya matiyaga siya, marunong pa siyang mag-lakad at sumakay ng jeep. Noong nakapag abroad na at nakabalik sa Pinas, hindi na marunong sumakay ng jeep at wala ng tiyagang maglakad. Si Nena na taga provinsya, nung nasa Pilipinas pa, simple lang manamit at walang bisyo, at magalang sa kanyang magulang; nung naka abroad at umuwi ng Pilipinas, aba si Nena social na manamit, laging labas ang clivage; naninigarilyo na at palamura na, at take note englesera na si Nenang probinsyana. Isa pa nung nasa Pilipinas siya mabait siya at nakakausap mo ng maayos at nalalapitan mo; aba nung nag abroad na at umuwi ng Pilipinas naglalakad na parang walang nakikita at kapag kinakausap mo pretending na hindi ka kilala. Isa pa nung nasa Pinas siya kinakain niya kahit ano, kahit bagoong inuulam niya, tuyo, galunggong, mga gulay, kahit ano kinakain, nung nakapag abroad na, namasukan bilang DH at nakapag-asawa ng ibang lahi at umuwi ng Pinas, sasabihin “may alergy ako, hindi ako kumakain niyan,” at kung mag-utos laging nakasigaw.

Marami rin sa atin na dahil galing abroad,  kahit lumang kapitbahay niya sa Pilipinas ang kausap, panay english pa rin. Tama, kailangan natin iimprove ang pagsasalita natin ng english, pero ilagay naman natin sa tamang lugar, hwag naman yong kahit nasa probinsya ka na panay english ka pa rin, pati mga engkanto sa paligid ng bahay mo ay nalilito na sa iyo. Yan ang problema sa ating mga Pilipino, minsan nakakalimutan na natin kung saan tayo galing, makapag trabaho lang tayo sa ibang bansa, nakakalimutan na natin kung sino tayo at saan tayo galing.

Dapat matoto tayong lumingon sa ating pinanggalingan, huwag tayong magpa impluwensya sa ibang lahi. Yan ang naoobserbahan ko sa karamihan na nakakapag abroad. Ako sa tagal ko na sa abroad, masasabi ko na wala pa ring nabago sa akin, inaapak ko pa rin ang aking mga paa kung saan ako nanggaling , hindi ko kinakalimutan ang pinang-galingan ko. Ito din yata ang dahilan kaya hindi umaasenso ang mga Pilipino, ang ugaling payabangan na minsan kahit baon na sa utang makapag yabang lang. Isa pa ay ang inggitan at siraan. Kaya sana kung bigyan tayo ng pagkakataon ng Diyos na makapag abroad, huwag natin hayaan na mabago tayo; umaalis tayo upang makapagtrabaho at kumita para mabigyan ng magandang kinabukasan ang ating pamilya. Naiinis din ako sa mga taong kwento ng kwento, na mayaman daw sila sa lugar nila ay may katulong pa sila sa bahay nila, e bakit ka nandirito at nagpapaalila sa ibang lahi? Bakit ka nandito kung talagang mayaman ka sa inyo, bakit ka nagtatrabaho sa restaurant at pinag sisilbihan ang ibang lahi, at nagpupunas ng mesa kung mayaman kayo sa pilipinas.
Bakit nakikipag away ka pa sa maliit na tip na binibigay sa iyo. Bakit iniwan mo ang mga anak mo tapos nandito ka at nagpapaalila sa maliit na sweldo.

Kailangan natin magpapakatotoo sa ating mga sarili, huwag tayong pretend ng pretend, huwag nating ikahiya kung ano at sino tayo. Ito minsan ang nagiging dahilan kaya tayo nagbago, ang pagkalimot sa ating pinanggalingan. Kaya ang naging resulta, pag-uwi ng Pilipinas ay puro kayabangan ang ginagawa. Ito ay isang kaugalian ng mga Pinoy na talagang hindi naaalis sa sarili, ang payabangan.

Marami rin ang nasisirang pamilya kapag abroad ang asawa, isang halimbawa lang ang isang babae na may 3 anak sa pilipinas kung iisipin mo maganda ang trabaho ng kanyang asawa , nagtatrabaho sa barko pina padalhan siya ng sobra sobra ng kanyang asawa, nag abroad ang girly pumasok sa isang restaurant at tinanggap ang maliit na sahod. Anong dahilan niya bakit pa siya umalis? Kasi gusto niya tumakas sa responsibilidad, ayaw niyang mag-alaga ng bata. Hindi pa siya sawa sa kanyang pagkadalaga kaya nung nakaalis kaliwa’t kanang labas at pakikipag boyfriend ang ginagawa. Magyayabang na tour lang sa U.S. pero ang totoo pala ay nagtatrabaho at nagpapaalila. Ayaw na niya ang buhay sa pilipinas kaya kahit sobra ang padala sa kanya ng kanyang asawa umalis pa rin at tiniis kahit mawalay na sa kanyang mga anak. Yan ang mga taong hindi ko maintindihan kung bakit pilit pa ring magpakahirap sa abroad samantalang maganda naman ang buhay sa Pilipinas, nakukuha pang iwanan ang kanyang mga anak at asawa para sa maliit na kita sa ibang bansa. Kaya kung papansinin natin ang rate ng mga broken family sa atin, karamihan ay sa mga pamilya ng mga OFWs, lalo na kapag babae ang nasa abroad. Kaya napakalaki ang nagagawa ng pag-aabroad sa buhay ng tao. Iba’t ibang bagay ang naabago; nababago ang sarili, nababago ang pananaw sa buhay, nababago ang buhay ng pamilya, nababago rin ang pag-uugali. Pati na rin ang mentalidad ng mga tao sa atin, sa mga kaibigan, mga kamag-anak, dahil kapag sinabing abroad akala nila baldebaldeng pera ang meron tayo sa dito at madali lang kitain ang pera, palibhasa ay hindi nila alam kung ano talaga ang buhay sa abroad.

Marami rin ang matagumpay sa pag-aabroad, ngunit marami rin ang nabigo at umuwing luhaan. Isa sa mga natutunan ko sa abroad ay ang pagpapahalaga sa maliit na kinikita, pagtulong sa pamilya, pagpapakatotoo sa sarili, at ang hindi pagkalimot kung saan ako nanggaling. Higit sa lahat ang pananalig ko sa Diyos . (By Rose, Pinoy Overseas)

 

Posted in FEATURED | Comments Off

Tao Saan ka Patungo?

Ni AbdulQadir Laja

Parang kailan ka lang isinilang ng iyong nanay, ilang buwan na ang lumipas wala kang ginawa kundi ang matulog nang matulog. Nang ikaw ay nagising wala kang ibang inisip kundi ang maglaro. Tawanan, takbuhan, kasama ang iyong mga kalaro. Sa  isang simpleng bagay ikaw ay masaya na, mapagmasdan lang ang mga puno, bulaklak, at maputing ulap ay masaya ka na. Tila wala kang problema, kung mayron man takbo agad sa nanay at tatay.

Ipinasok ka na rin sa grade-school dahil abot mo na ang iyong tenga. Unti unti mong naramdaman na lumalakas ang iyong tuhod at katawan. Tumatalas ang iyong isipan, marunong ka nang sumulat at bumasa. Lumipas ang mga taon ay nakilala mo na rin ang iyong mga kaibigan sa high school. Minsan kayo ay nagkikita ng iyong mga kaibigan sa library, minsan naman sa loob ng sine. Dahil sa pangaral ng iyong magulang nalaman mo rin ang tama at mali. Sa panahong ito dito ka natutung umibig.

Mga taon ang lumipas ay nasa college ka na. Iniisip mo ang iyong kinabukasan. Dahil sa iyong tiyaga ay nagkaroon ka ng trabaho, nakabili ka na rin na iyong mga gamit. Nakilala mo siya at ikinasal kayo, at nagkaroon na rin kayo ng mga anak. Itinuro mo na  sa iyong mga anak ang itinuro sa iyo noon ng iyong mga magulang. Ipinagpatuloy mo ang iyong paghahanap buhay, at kung saan saan ka nakarating. Lumipas ang mga araw, napapansin mo na ikaw ay naglalakbay sa panahon, ikaw ay nagtatanong kung saan ka patungo. Napapansin mo na ikaw ay parang isang punong kahoy, sa paglipas ng mga taon ay humihina, nahuhulog ang mga dahon.

Noong ako ay nagbakasyon sa atin last year, pinasyalan ko ang dating lugar kung saan kami nakatira noon. Tinanong ko kung saan na ang mga dating kapitbahay at kakilala na malakas pa ang pangangatawan noon. Sabi ng isang bata (sabay turo sa may libingan) “nandoon na sila”.  Sa isip ko ang lahat ay lumilipas. Naalala ko rin ang sinabi ng isang matalinong matanda noon, ang sabi niya “ yakapin natin ang katotohanan at mabuting gawain, dahil ang mga ito ay baon natin sa ating paglalakbay, dahil sa paglubog ng araw doon din tayo pupunta”.

 

Posted in Correspondents Laja | Comments Off

Pinoy Slang

Ni Will P. Gabol

Nakarinig ka na ba ng Pinoy slang? Ito ay ang salitang kalye, salitang kanto, o salitang balbal. Ito ang tinatawag na “slang words” sa English. Karamihan sa mga kabataang Pinoy ngayon ay mahilig gumawa ng iba’t ibang salitang balbal, at minsan pati na rin tayong mga may edad na, sapagkat kung ating idaan sa positibong paningin, feeling “bagets” pa kasi. Ngunit ano nga ba ang ibig sabihin ng “Salitang Kalye”?

Ayon sa aking pananaliksik, ito ay mga termino o mga parirala, hiram man o orihinal, na ginagamit ng mga commoners or less educated people, na kung saan binago ang anyo ng salita para tumugma ayon sa gamit. Pero dahil sa pagbabago ng panahon, unti-unti na rin nating natatanggap at nagagamit ang mga salitang ito. Kaya’t mapa-propesyonal man o hindi, nakakagawian na rin nating gamitin ito. In general, tayong mga Pinoy ay gumagamit ng salitang balbal to add spice to our spoken language. Ilan sa ating Tagalog slang words ay hindi nagtatagal, sumusunod sa uso. Karaniwan kapag tumatagal ito ay depende sa kung saan ito nagsimula, halimbawa sa mga telebisyon o radio shows, at kung gaano ito kadalas gamitin.

Ngunit ang mga ito ay hindi basta-basta na lamang ginagamit. Syempre, hindi pweding gamitin ang mga salitang balbal sa mga business meetings at mga professional gatherings; sa loob ng opisina, o sa loob ng paaralan. Sa maikling salita, ito rin ay may limitasyon.

Madalas ang Tagalog slang words ay nanggagaling sa Tagalog words din. Ilan sa mga ito ay gamit ang una at huling mga syllables at bibigkasin pabaligtad. Halimbawa, ang YOSI ay galing sa SIGARILYO, na kung saan ang una at huling syllables ay magkasama sa pabaligtad na anyo. Ang iba naman ay galing sa huling dalawang syllables gaya ng UTOL na ang ibig sabihin ay kapatid, lalaki man o babae, at ito ay galing sa KAPUTOL, na ang ibig sabihin ay nagmula sa parehong sangay o pareho ang pinagmulan. Ang KANO ay galing sa salitang AMERIKANO. Ilan din sa mga Tagalog slang words ay nabaligtad lang mula sa tamang salita. Halimbawa ang ASTIG ay galing sa TIGAS, na ibig sabihin ay isang mahigpit na tao o maton. Ang GASMATI ay galing sa MATIGAS, na ibig sabihin ay taong matigas ang ulo.  Ang TSEKOT para sa sasakyan, galing sa KOTSE, habang GOLI para sa LIGO. Ang nakakatuwa nito ay ilan din sa ginagamit nating Tagalog slang words ay galing sa English phrases or words na kung saan parehong binaligtad lang ang syllables. Ang GOLETS ay galing sa English words na “let’s go”. Meron ding mga tagalog slang words na English pero iba ang ibig sabihin. Ang ZOMBIE ay isang taong mahilig o matakaw kumain. Ang ZEROX ay kahawig. Ang CONFERENCE ROOM ay palikuran o banyo, malamang dahil sa “C.R.” na common acronym ng mga Pinoy para sa comfort room. Ang CHEAP HEAD ay isang taong baliw o ignorante, habang CAULIFLOWER para sa hemmoroids. Ang CHAPTER ay para sa luma o tapos na pangyayari. Ang TOXIC ay para sa isang taong busy o may maraming ginagawa.

Mayroon ding Tagalog slang para sa isang taong nakagamit ng bawal na gamut. Tinatawag nating silang HIGH, JUNKIE, BASAG, BANGENGE, BANGAG, NGEKNGEK at iba pa. Anu naman kaya ang Tagalog slang ng marijuana? MARYJANE, CHONGKI, MARYJONES, TIRIRIT, DAMO, GRASS, GRETA, atbp.

Ultimo dito sa Kuwait ay nagawan din natin ng Tagalog slang ang mga ibang lahi, mapa-Egyptian man o Kuwaiti, Pakistani o Indian, ngunit hindi ko na po babanggitin. Kahit tayo mismo sa ating mga sarili, meron din tayong code name sa ating sariling lahi, at ito ang BALUT for Pinoy, sarap naman.

Anu pa man ang slang na gamitin natin, dapat po nating isa-alang alang na hindi tayo dapat makasakit ng ating kapwa. Ang paggamit natin ng mga slang words, pati na rin ang tinatawag na TAGLISH, at ang pagsulat natin ng mga shortcuts para mapaiksi ang ating mga text messages, mapa-cellphone, e-mail or chat, ay nakakaapekto hindi lamang sa ating pakikipag-usap ngunit pati rin sa ating pagsulat. Nakakalimutan natin ang tamang spelling ng isang word, at masasabi ko rin na isa ito sa dahilan kung kayat bumababa ang English skills ng mga Filipino, lalo na sa ating mga nasa abroad. Hanggang sa susunod na kabanata po, maraming salamat sa pagbasa Kabayan!! J

Para sa mga interesadong ma-improve ang kanilang English skills, maari po kayong bumisita sa ICSA school. Ito ay matatagpoan sa ika-8 palapag ng Panasonic Tower sa Kuwait City. Maaari din po kayong tumawag sa mga telepono 22467301 at 99302850.

 

Posted in SARI-SARING KAALAMAN | Comments Off

HAY Buhay Saudi Talaga

Akala ng mga tao na nasa Pilipinas kapag nasa Saudi ka, akala nila madami ka ng pera ng langis. Ang totoo, madami kang utang, dahil credit card lahat ang gamit mo sa pagbili mo ng mga gamit mo. Kailangan mo gumamit ng credit card kasi naubus na ang cash pinadala sa pinas, kase pag hindi ka nagpadala, iisipin nila nakalimutan mo na sila.Akala nila mayaman ka at marami kang pera kasi buwan-buwan libo-libo padala mo walang palya at kapag pumalya iisipin nila baka nagbisyo ka na o may sinusustentuhang iba. Hindi nila alam food allowance na lang ang natitira sayo at pag kinulang pa umuutang pa at lista muna sa malapit na bakala.

Pag may okasyon sa pinas, birthday, fiesta, anniversary, pasko, new year, at iba pa, padala ka agad panghanda, sarap ng kainan nila, di nila alam ikaw tiyaga sa budget meal, kapsa, noodles o de lata at itlog na nakakabutlig na ng balat, hay naku!

Akala ni Tatay, Nanay, Ate, Kuya, anak, mga pamangkin at iba pa, namumulot ka ng pera sa Saudi, kada may problema text kaagad, kumusta sa una sa bandang huli kelangan na ng pera! Hay naku…nakaka-alergic na ang text sa roaming puro gastos… minsan padala ka pa ng load! Load mo nga utang pa sa Pana! Hay naku bakit ba nauso pa yan, dagdag gastos lang talaga at pag di ka pa reply aawayin ka pa!

Akala nila masarap maging OFW at tinatawag na bagong bayani…. naku mas masarap pa yong nasa pinas na sa katas ni bagong bayani ay syang umaani! Utang sa Saudi lalong dumarami.

Akala nila masarap sa Saudi, di nila alam di ka na nga makauwi kasi roundtrip tiket kina-cash pa mapadala lang at ibayad sa utang.

 

Akala nila sosyal ka na, kulay ng buhok mo uso pa at naka-highlight pa, di nila alam buhok mo namumuti na sa stress at problema at pag minalas pa nalalagas pa!

 

Akala nila masarap sa Saudi kasi pag-uwi mo mestiso ka, maputi at mamula-mula ang balat mo, di nila alam babad ka sa opisina at kulong sa bahay mo dahil no choice ka, mga kapit bahay mo di mo kaano-ano, walang paki-alaman at kung lalabas ka sunog ang balat mo, init ng araw sobra!

 

Akala nila mayaman ka na kase may kotse ka na. Di nila alam hulugan pa ito! Ang totoo, kapag hindi ka bumili ng kotse sa saudi maglalakad ka ng milya-milya sa ilalim ng init ng araw o kaya sa winter na kasama ang asawa mong naka abaya at nakatarha. O kaya naman tiyaga kang mag–abang ng Saptco o Coaster na ubod ng babaho ng mga pasahero at pagbaba mo amoy putok ka na rin, grabe! Walang jeepney, tricycle o padyak sa saudi … madami mga [ibang lahi] na driver na ubod ng baho, pag minalas ka, rapist pa!

Akala nila masarap ang buhay dito sa saudi. Ang totoo, puro ka trabaho kase pag di ka nagtrabaho, terminated ka, gagawan ka ng kwento ng kapwa mo pilipino! Hindi ka na pwedeng tumambay sa kapitbahay kase baka mamotawa ka pag kasama mo ang syota mo, pero madami pading matatalinong matsing ang nakakalusot, nagpapagawa ng fake na papel para kunwari kasal, ah letse mga imoral!!

Akala nila masaya ka kase nagpadala ka ng picture mo sa Redsand, hidden valley, faisaliah mall, riyadh zoo, corniche, obhur at iba pang attractions. Ang totoo, kailangan mo ngumiti kase minsan minsan ka lang makakapicture, bawal kasi basta basta kumuha ng picture dito makukulong ka.

Akala nila malaki na ang kinikita mo kase riyal na sweldo mo. Ang totoo, medyo malaki pagpinalit mo ng peso, pero riyal din ang gastos mo sa saudi. Ibig sabihin ang riyal mong kinita sa presyong riyal mo din gagastusin.

Ang P15.00 na sardinas sa Pilipinas SAR3.00 sa Saudi , ang isang pakete ng sigarilyo sa pilipinas P40.00, sa Saudi SAR 6.50, alangan namang puro cafeteria food ang kakainin mo aba mamatay ka sa highblood o hepa nyan, kasi nga umaapaw na sa mantika madumi pa! Mga kadiri, kaya lang pag naubusan ka ng pera no choice, you have to take the risk .

Akala nila buhay milyonaryo ka na kase ang ganda ng bahay at kotse mo. Nag pa-lypo kay calayan at nagparetoke kay vicky belo. Ang totoo nag loan ka lang sa saab, samba o Riyadh bank na huhulugan mo ng limang taon. Ibig sabihin, alipin ka ng bahay at kotse mo at ng luho mo at ng bansang ito!! kasi nga magloan ba naman dahil sa luho, bwahahaha!

Madaming naghahangad na makarating sa Saudi. Lalo na mga nurses at mga medsec at eto pa pati cleaners, mahirap maging normal na manggagawa sa Pilipinas. Madalas pagod ka sa trabaho. Pag dating ng sweldo mo, kulang pa sa pagkain mo. Pero ganun din sa ibang bansa katulad lalo na kaya sa Saudi wala kang outlet ng stress mo! kasi madaming bawal!!! .

Hindi ibig sabihin riyal na ang sweldo mo, yayaman ka na, kailangan mo ding magbanat ng buto para mabuhay ka sa ibang bansa. Isang malaking sakripisyo ang pag alis mo sa bansang pinagsilangan at malungkot iwanan ang mga mahal mo sa buhay. Hindi pinupulot ang pera dito o pinipitas o iniigib. Hindi ako naninira ng pangarap, gusto ko lang buksan ang bintana ng katotohanan. Mahirap mangibang bayan… sino ba ang may kasalanan na iwan sariling bayan? Manilbihan sa dayuhan at malayo sa pamilya ay may kahirapan? Hangga’t may pinay DH na nangingibang bayan na simbolo ng ating kahirapan, kawawang bayan ni Juan patuloy na mapag-iiwanan. Kaya ikaw Juan mag-iwan ka ng pera para sayo, para sa kinabukasan mo .

[Kwento ng Pinoy sa Calauag]

 

Posted in FEATURED | Comments Off